"Isa sa pinakapremyadong manunulat na Pilipino sa ngayon..."

Si Domingo Goan Landicho ay makata, kuwentista, mananaysay, editor, kolumnista, nobelista at dramatista na nakapaglathala na ng mahigit na 30 aklat sa lahat ng anyo ng literatura, pedagogiya at literaturang pambata. Ang kanyang tula ay naging bahagi ng programa ng Cultural Center of the Philippines sa maraming lugal sa Pilipinas noong dekada otsenta. Ang kanyang sarsuwela ay itinanghal sa USA, Canada at Australia ng UP Concert Chorus. Ang isa niyang nobela ³Bulaklak ng Maynila² na nagkamit ng Dakilang Gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ay ginawang isang premyadong pelikula. Sa pelikulang ³The Year of Living Dangerously² na idinirihe ni Peter Weir sa MGM Pictures, gumanap siya ng mahalagang papel kasama nina Mel Gibson at Sigourney Weaver.

Si Landicho ay isang aktor sa teatro, TV at pelikula at isang aktibista sa larangan ng kultura. Pangulo siya ng 16th World Congress of Poets na nagdaos noong Agosto 2000 ng pandaigdigang kongreso ng mga makata sa Pilipinas sa pagtataguyod ng United Poets Laureate International. Pinili siya ng International Biographical Centre Cambridge sa England na isa sa 2000 Outstanding Writers of the 20th Century. Isa siyang international fellow ng International Writing Program ng US noong 1987 at naging keynote speaker ng Asian Writers Conference sa Seoul, Korea noong 1993. Naging kinatawan siya ng Pilipinas sa mga pandaigdigang komperensiya sa Germany (1981), Vietnam (1983), Cambodia (1983), Russia (1986), US (1992) at United Kingdom (1997). Isa siyang Examiner Responsible sa Filipino ng International Baccalaureate Organization sa England. Noong 2003, si Dr. Landicho ay tinanghal bilang S.E.A. Write Awardee ng bansang Thailand bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa literatura sa Asya.

Sa edad na 68, si Landicho ay ginawaran ng titulong Propesor Emeritus, pinakamataas na pagpapakilala sa Unibersidad ng Pilipinas. Si Landicho ay kasalukuyan ding Editor-In-Chief ng Tanod Publication at Grand Knight ng Knights of Columbus sa Quezon City at isang special minister of the Holy Communion ng kanyang parokya sa Novaliches ng Quezon City. Isa siyang lifetime member ng National Press Club of the Philippines; isang execom member ng National Commission for Culture and the Arts at isang Associate for Fiction ng UP Creative Writing Center. Si Landicho ay kasal kay Edna May Menez Obien, may apat silang anak at apat na apo. Isinilang siya sa Taal, Batangas, anak ng magsasaka.

0 comments: